Saturday, December 08, 2007

Taksi

Katulad ng naipangako ko noong sinauna pa, hayaan niyong ihandog ko sa inyo ang isang akdang nasusulat sa ating wika. Nais kong ipaalala na bagamat ito ay hango sa tunay na karanasan at kapupulutan ng aral, ito ay hindi isang liham para sa Maalaala Mo Kaya. =) Sa halip, ito ay pagtupad sa isang pangako na mababasa rito.

Ang aking napiling paksa ay hinggil sa mga taksi. Natitiyak ko na lahat tayo ay nakaranas nang makasakay sa pampasaherong sasakyan na ito at hindi lingid sa inyong kaalaman ang mga panganib na maaring mapaharap sa isa katulad ng madalas nating nababasa sa mga pahayagan o dili kaya'y napapanood sa telebisyon. Ngunit bago kayo sumapit sa maling konklusyon, nais kong pangunahan na ako'y sa kasalukuyan hindi pa naging biktima.

Ang aking karanasan ay lumalawig mula sa isang payak at ligtas na pagbiyahe tungo sa isang hindi kanais-nais na karanasan katulad noong isang gabi.

Para sa isang binibining katulad ng inyong lingkod na madalas ay inaabot ng dilim sa lansangan bunga ng iba't-ibang mga kaganapan, matuturing kong ang pagbiyahe dito ay isang pakikipagsapalaran. Nariyan ang mga panahong kailangang gamitin ang iba't-ibang paraan upang matiyak na ligtas ka sa iyong patutunguhan: ang paggamit ng tamang pagpasya sa pagpili ng sasakyan sa pamamagitan ng pagtantiya sa panlabas na anyo ng drayber (mas pinili kaysa tsuper), gamitin ang likas na pagiging palakaibigan upang matamo ang tiwala ng drayber at sa gayunding paraan ay magkaroon ng pagkakataon na matandaan ang kanyang mukha ngunit madalas ay ang pag-asa sa panalangin na ika'y magiging ligtas.

Sa aking pakikipagtalastasan sa mga naghahanapbuhay na ito, iisa lamang ang madalas na mapag-usapan: ang hirap ng buhay sa ngayon. Marami na rin sa kanila ang naghikayat sa akin na maging "praktikal" diumano at gamitin ang aking pisikal na hitsura upang magkamal ng salapi. Ang iba naman ay nagpapayong mahirap mawalay sa iyong mga mahal sa buhay na anupat nagtulak sa kanilang bumalik mula sa ibang bansa at masiyahan na lamang sa kanilang kakarampot na kinikita. Dahilan na rin sa mailap na pagtitiwala, hindi ko binubuksan ang aking sarili sa kanila. Madalas kapag ang usapan ay nababaling sa akin, ipinaaalam ko na ako'y isang hamak na manggagawa lamang (clerk) at sana ako ay kanilang pinaniniwalaan. =P

Madalas din akong tanggihan ng mga drayber sa ngayon marahil na rin sa masamang impresyon sa lugar na aking tinitirahan. Likas nang maunawain, madalas ay nagbabayad ako ng higit pa sa pumatak na metro ng sasakyan biglang pagtanaw na din ng utang na loob.

Ilan lamang iyan sa aking mga karanasan. Ang aking pinaka hindi malilimutan ay ang nangyari sa akin ng Biyernes ng gabi. Marahil ay 30 minuto makalipas ang ika-sampu ng gabi nang ako ay pumara sa isang taksi sa may Taft Avenue. Nagpapasalamat na ako ay tinanggap, nag-alok akong magdagdag ng kaunti sa metro. Marahil ay hindi nasiyahan sa aking alok, nagdahilan ang salbaheng drayber na sira umano ang kanyang metro at ipinasyang ibaba ako sa may underpass ng Lawton. Dahil sa panganib na napapaharap, nakiusap akong ibaba sa may post office kung saan nakasisiguro akong agad akong makakahanap ng kapalit. Pagkatapos na malaman na hindi ako magbabayad, inihinto niya ang sasakyan at ibinababa nga ako sa naturang lugar. Sa aking galit, aking naibulalas:

"Manong sa susunod huwag na kayong magsakay kung sira ang metro mo."

Nagulat ako nang sumigaw siyang "Wala ka namang pera" at akma pang bababa upang sumugod.

Hindi ko mailarawan ang takot na bumalot sa akin. Takot na bunga ng mali kong pagkilos ng pagsagot at takot sa lugar na aking binabaan. Bagaman iyon ay isang lugar na akin nang nakasanayan dahil sa aking paaralan, hindi pa rin ako mapalagay. Ika-11 na ng gabi. Huminto ako sumandali upang mag-abang ngunit dahil sa takot na mapansin ng mga masasamang loob na maaring naroroon, nagpasiya akong maglakad hanggang sa tapat ng post office ngunit ganoon pa rin ang kalagayan. Madilim at bihira ang mga taksi. Sinimulan kong tahakin ng may mabibilis na hakbang ang Jones Bridge na manaka-nakang lumilingon upang magmatyag at mag-abang na din ng sasakyan. Desperada nang makasakay, pinapara ko maging ang mga taksing dumadaan mula sa kabilang landas hanggang sa may isa na lumampas at hindi ko na napara ngunit umurong upang magpasakay. Tumawid ako upang ito ay lapitan na may kasamang sambit ng dasal na sana ako ay pasakayin. Palibhasa'y sanay na tanggihan, hindi muna ako pumasok gaya ng aking nakagawian at sinabi ang lugar na patutunguhan. Marahil ay nagtataka sa aking gawi, bumigkas siya sa malumanay na tinig "Pumasok ka na."

At doon ko nakilala ang pinakamabait na drayber ng taksi sa buong buhay ko. Ayon sa kanya, umurong siya sapagkat nabakas niya sa aking mukha ang takot at siya ay lubhang nabahala para sa kung anuman ang maaring mangyari sa akin. Ang mamang ito na marahil ay nasa ika-limampung taon na ng kanyang buhay ay kakikitaan ng kaamuan sa kanyang mukha. Wala siyang naibahagi na personal na detalye ng kanyang buhay ngunit may sigla niyang nabanggit ang kanyang mithiin na sagipin ang mga tao mula sa masasamang mga drayber katulad ng nangyari sa akin at ng madalas niyang naririnig mula sa kanyang mga pasahero. Ayon pa sa kanya kung maari pa nga ay maghintay siya sa binababaan upang ligtas na makapasok ang mga pasahero sa kanilang tinutuluyan. Batid ko na ito'y walang halong pambobola katulad ng iba ko nang nasakyan. Hindi rin masasabing isang pag-aalala na katulad ng isang ama sa kanyang anak na babae ngunit isang matinding hangarin mula sa isang taong dalisay ang puso.

Nagpapasalamat ako na mayroon pa ring ganitong uri ng mga tao sa ngayon. Hangad kong pagpalain siya sa lahat ng kanyang mga gawain. Hanggang dito na lamang at sana'y nagustuhan niyo ang munti kong salaysay na nag-iiwan ng aral na magkaroon ng mabuting paggawi sa ating kapwa at huwag mawalan ng pag-asa sa kabutihan ng iba.

-kC

No comments: